Opinion

Wala Kang Alam sa FACTS? Silly Ka!

Walang puwang ang katahimikan sa lideratong ang unang tungkulin ay magsilbi sa bayan.

· 3 min read

Wala Kang Alam sa FACTS? Silly Ka!

Walang puwang ang katahimikan sa lideratong ang unang tungkulin ay magsilbi sa bayan.

Sa gitna ng lumalawak na usapin tungkol sa Pax Silica, hindi humihingi ang sambayanan ng perpektong kasagutan. Ang hinihingi nito ay isang pinunong may sapat na kaalaman, kahandaan, at paninindigang humarap sa isang usaping may malalim na implikasyon sa kinabukasan ng bansa. Ngunit sa halip na linaw, katahimikan ang inihain. At sa halip na pananagutan, pag-iwas ang nasaksihan. Ang ganitong uri ng pamumuno ay hindi pumapawi ng pagdududa—lalo lamang nitong pinatitindi ang agam-agam ng sambayanang naghihintay ng lider na handang manindigan.

Sa katunayan, hindi dapat maging panangga ang 32 milyong boto sa karapatang umiwas sa pananagutan. Sa kabaligtaran, bawat boto ay dagdag na obligasyong magsalita, manindigan, at magpakita ng kahandaang pamunuan ang bansa. Ang katahimikan sa harap ng mahahalagang usapin ay hindi simpleng pagkukulang—ito ay pag-aaksaya sa tiwalang ipinagkaloob ng sambayanan.

Hindi katanggap-tanggap na ang isang Bise Presidente ay mistulang dayuhan sa mga usaping humuhubog sa direksyon ng bansa. Ang pagiging pangalawa sa pinakamataas na posisyon sa Republika ay hindi lamang karangalang isinasabit sa dibdib; ito ay panunumpang maging mapagbantay sa bawat isyung may kakayahang makaapekto sa sambayanan. Ang kawalan ng malinaw na tindig ay hindi simpleng kakulangan sa impormasyon. Isa itong larawan ng pamumunong walang sapat na kahandaan upang harapin ang mga usaping higit na mabigat kaysa sa mga talumpating madaling palakpakan.

Kaya paano nakakayanan ng Bise Presidente na maging tahimik sa isyung sinisigaw ng sambayanan?

Higit na nakababahala ang reaksyon ng ilan sa kanyang mga tagasuporta. Unti-unting pinapalitan ng panatisismo ang paghingi ng pananagutan, at ang katapatan sa isang apelyido ay nagiging higit na mahalaga kaysa sa katapatan sa bayan. Sa ganitong kalakaran, hindi na ang kakayahan ang nagiging sukatan ng pamumuno kundi ang lakas ng personalidad. Ang katotohanan ay isinasantabi, ang pananagutan ay isinasakripisyo, at ang kasikatan ang itinatanghal na pinakamataas na kwalipikasyon sa paghawak ng kapangyarihan.

Ito ang pinaka-nakamamatay na anyo ng personality politics. Hindi na mahalaga kung may sapat na kaalaman ang isang kandidato. Hindi na mahalaga kung handa ba siyang humarap sa mahihirap na usapin. Sapat nang maging tanyag, makapangyarihan ang apelyido, at magkaroon ng hukbong handang ipagtanggol ang bawat pagkukulang.

Ngunit ang Republika ay hindi itinatayo sa bulag na katapatan. Ang isang bansa ay hindi umuunlad sa pamamagitan ng kulto ng personalidad. Ang demokrasya ay nabubuhay lamang kung ang mga pinuno ay patuloy na sinusukat sa pamantayan ng kakayahan, integridad, at pananagutan.

Hindi dapat gawing normal ang kawalan ng kahandaan. Hindi dapat ipinagpapalit ang kompetensiya sa kasikatan. At higit sa lahat, hindi dapat ipinagkakaloob ang pinakamataas na tiwala ng bayan sa mga lider na hindi maipakitang nauunawaan nila ang mga usaping magtatakda sa kinabukasan ng bansa.

Ang Pilipinas ay hindi nangangailangan ng isa pang pangalang may makapangyarihang apelyido. Ang kailangan nito ay mga pinunong ang talino ay higit sa kanilang popularidad, ang paninindigan ay higit sa kanilang katahimikan, at ang pananagutan ay higit sa kanilang ambisyong manatili sa kapangyarihan.

Sapagkat ang katahimikan ng isang lider ay hindi kailanman neutral. At sa bawat pagkakataong pinipili ng isang lider ang pananahimik kaysa sa pananagutan, pinipili rin niyang talikuran ang tungkuling ipinagkatiwala ng sambayanan.

How did this story make you feel?

Be the first to react · no sign-in needed

Comments

Be civil. Read the Comment Guidelines.

Comments are reviewed by moderators. No account needed for now; sign-in arrives with the reader accounts update.

Loading comments…

More from Opinion

When Power Questions the Pen That Questions Power

Insight PH · Aug 10, 2026 · 2 min

Filipino

Ari-SONA B, B Is for Budol

John Benedict Banday · Jul 29, 2026 · 4 min

Ang Gintong may Kalawang

Emmanuel Tarroza · Jul 29, 2026 · 3 min

Filipino

Nakakulong sa Sariling Kalayaan

Emmanuel Tarroza · Aug 10, 2026 · 2 min

Email news

Get the stories that matter, straight to your inbox.

Breaking news, a daily digest at 7:00 AM, or a Sunday round-up. English, Filipino, or both. Unsubscribe anytime.