Literary

Hindi Kasama Sa Units

Sa bawat semestre, binibilang ko ang aking mga units.

· 2 min read

Hindi Kasama Sa Units

Sa bawat semestre, binibilang ko ang aking mga units.

Tatlo rito. Tatlo roon. Anim sa laboratoryo.


May kabuuang bilang ang mga asignaturang kailangan kong dalhin, na para bang sa sandaling maisulat ang mga ito sa aking registration form, natukoy na rin kung gaano kabigat ang aking semestre.


Ngunit nagkamali sila ng bilang.


Hindi nila isinama ang pamasahe na araw-araw kong binabakas sa pagitan ng mga barya. Hindi nila isinama ang gutom na marunong makisabay sa oras ng klase. Hindi nila isinama ang gabing nakikipagtitigan ako sa kisame habang ang mga bayarin ay tahimik na kumakatok sa aking isipan.


Hindi kasama sa units ang pangamba.


Hindi rin kasama ang pagod na unti-unting natutong magsalita sa pamamagitan ng aking katawan.


May mga araw na pumapasok ako sa silid-aralan na tila may iba pang kursong nakapatong sa aking balikat. Habang tinuturuan akong maghanda para sa hinaharap, may kasalukuyan namang humihila sa aking manggas, nagtatanong kung paano ko muna ito tatawirin.


At doon ko napagtanto: hindi pala pare-pareho ang bigat ng isang estudyante.


May mga estudyanteng nag-aaral upang makakuha ng grado. May mga nag-aaral upang manatili. May mga nag-aaral habang kinukuwenta kung hanggang saan aabot ang pera. May mga nag-aaral habang pinipilit na hindi ibagsak ang sariling pangarap.


Ngunit sa loob ng silid-aralan, pare-pareho lamang kaming nakaupo.


Pare-parehong tinatawag sa attendance.


Pare-parehong sinusukat sa pagsusulit.


At walang pagsusulit para sa tanong na matagal ko nang dinadala:


Nasaan ako sa lahat ng ito?


Sa dami ng kailangang ipasa, may mga bahagi ng sarili kong hindi ko na napapansin. Sa dami ng kailangang habulin, may sarili akong unti-unting nahuhuli. Para akong estudyanteng araw-araw nag-e-enroll sa hinaharap, ngunit unti-unting nagwi-withdraw mula sa sarili.

Marahil, ito ang hindi itinuturo ng kolehiyo.

Na may mga bigat na hindi makikita sa curriculum.

May mga laban na walang subject code.

May mga pagod na hindi katumbas ng absent.


At may mga bahagi ng sarili na unti-unting nawawala habang pilit mong tinatapos ang mga kailangang gawin.


Kaya kapag tinanong akong muli kung ilang units ang kinukuha ko, maibibigay ko ang bilang.


Ngunit hindi ko mabibilang ang lahat ng aking dala.


Sapagkat ang ilan sa pinakamabibigat na bagay sa aking kolehiyo ay hindi kailanman isinama sa aking enrollment.


Hindi sila kasama sa units.


Ngunit araw-araw, ako ang nagdadala sa kanila.

How did this story make you feel?

Be the first to react · no sign-in needed

Comments

Be civil. Read the Comment Guidelines.

Comments are reviewed by moderators. No account needed for now; sign-in arrives with the reader accounts update.

Loading comments…

More from Literary

You Were My Idea of Tomorrow

Lia Abellana · Aug 20, 2026 · 7 min

Filipino

Si Choleng at Ang Siyam Niyang Buhay

civ · Aug 14, 2026 · 3 min

Email news

Get the stories that matter, straight to your inbox.

Breaking news, a daily digest at 7:00 AM, or a Sunday round-up. English, Filipino, or both. Unsubscribe anytime.