Opinion

No Work, All Pay

Hindi ka pa ba galit na harap-harapan kang ninanakawan?

· 4 min read

No Work, All Pay

Hindi ka pa ba galit na harap-harapan kang ninanakawan? 

Gasgas na ang larawan ng isang magnanakaw sa Pilipinas. Hindi na siya nakayapak at nakatingkayad sa lilim ng gabi, kundi taas-noong naglalakad sa ilalim ng nakasisilaw na araw. Wala na ang maitim na bonnet na nakapatong sa kanyang mukha, sapagkat ang suot niya ay isang magarbong barong—walang takot na siya’y makilala. 

Ang tunay na nakatatakot na magnanakaw ay hindi iyong kukuha ng pitaka mo sa dilim, kundi ang ‘kagalang-galang’ na nakaupo sa puwesto ngunit hindi sumisipot sa trabahong binabayaran ng kaban ng bayan.

Nagtala si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ng 31 na pagliban sa mga plenary session sa loob ng 58 session days, ayon sa attendance records ng Legislative Journal Service, para sa unang regular na sesyon mula Hulyo 28, 2025 hanggang Marso 18, 2026. Dahil dito, nanguna si Bato sa listahan ng mga senador na may pinakamaraming pagliban noong unang regular na sesyon ng ika-20 Kongreso. 

Pinaniniwalaang ang pagliban ni Bato ay dahil sa lumabas na report na nag-isyu ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) sa kanya kaugnay ng kasong crimes against humanity ni dating pangulong Rodrigo Duterte na pumutok noong Nobyembre 2025. Dagdag pa rito, kamakailan lang ay umamin si Senator Robin Padilla na pinayuhan nila Senator Bong Go si Bato na pansamantalang umiwas sa pagharap sa publiko. Gayunpaman, ayon sa pamunuan ng Senado, patuloy na makatatanggap ng suweldo si Bato at ang kanyang mga staff dahil sa kawalan ng patakarang “no work, no pay” sa kapulungan. 

Ang kanyang sunod-sunod na pagliban ay hindi lamang pansariling desisyon, kundi isang pabayang pag-abandona sa mandato. 

Isang sampal sa mukha ng mga manggagawang Pilipino ang patuloy na pagtanggap ni Bato ng kanyang sweldo sa gitna ng kanyang kapabayaan sa sinumpaan niyang tungkulin. Para sa mga karaniwang mamamayan, ang polisiyang “no work, no pay” ay batas ng sikmura. Bawat araw, kinakailangan nilang kumayod nang humigit-kumulang siyam na oras para lamang masigurado na may pagkain sa kanilang hapag-kainan tatlong beses sa isang araw. Wala sa kanilang opsyon ang pagliban sa trabaho—kahit hindi na makabangon dahil sa sakit ng katawan o kahit may emergency sanang kinakailangang tugunan, sapagkat para sa mga manggagawang Pilipino, ang pagliban ay katumbas ng bawas na bigas. 

Habang walang sawang ibinababad ng mga manggagawang Pilipino ang kanilang sarili sa walang katapusang pagtatrabaho para lamang sa kakarampot na kita, tumatanggap pa rin ang mga nakaupo sa puwesto na gaya ni Bato ng “passive income” kahit matagal nang bakante ang kanilang mga upuan. Ngunit sadyang mapanlibak ang katotohanan: ang “passive income” na napupunta sa bulsa ni Bato ay galing din sa buwis ng mga manggagawang Pilipinong hindi magawang lumiban sa trabaho kahit pagod na pagod na. 

Higit pa rito, sa gitna ng krisis sa presyo ng langis at walang preno na pagtaas ng mga pangunahing bilihin, ang bawat sentimo ng buwis na kinaltas sa pawis ng mga Pilipino ay dapat sanang gamitin sa mas makabuluhang bagay. Sa halip na mapunta ang buwis ng mga Pilipino sa mga makabuluhang proyekto—gaya na lamang ng pagsasaayos ng pampublikong transportasyon at pagbibigay ng pangmatagalang solusyon sa kinakaharap na krisis sa petrolyo—napupunta ito sa pagpapanatili ng isang opisinang walang silbi ang nanunungkulan. 

Ang suweldo ni Bato na patuloy na binabayaran kahit wala siya ay pondo na ninanakaw sa mga serbisyong panlipunan na matagal nang naghihingalo. Hindi na dapat pang magmakaawa ang mamamayang Pilipino sa kahabaan ng mga kalsada para hingin ang mga serbisyong binabayaran natin nang buo ngunit ibinibigay sa atin nang kulang-kulang. Ang masakit na katotohanan, napupunta lamang ang pondo sa pagpapasweldo sa isang ‘multo’ sa Senado—isang opisyal na ang tanging presensyang nararamdaman ng taumbayan ay ang bawat pagbawas sa ating mga buwis. 

Sa kabila ng usapin ng pera, ang pagliban ni Bato ay pagliban sa mga boses ng mamamayang nagluklok sa kanya sa puwesto. Gaya na lamang ng pagliban niya sa pagdinig para sa pondo ng Department of National Defense (DND) kung saan siya sana ang inaasahang magtatanggol o magbubusisi sa badyet ng sektor ng seguridad. Paano na lamang ang mga mamamayang bumoto sa kanya—lalo na lamang ang mga umaasa sa kanyang adbokasiya sa seguridad ng bansa? Hindi na narinig ang kanilang mga hinaing dahil ang kinatawang dapat magbibigay-boses para sa kanila ay piniling manatili sa anino ng kaduwagan at kapabayaan. 

Panahon na upang imulat ang ating mga mata dahil tayo ay ninanakawan sa ilalim ng tirik na araw. Ang pananahimik ay nagbibigay lamang ng pagkakataon sa mga opisyales na patuloy na lumiban sa kanilang mga tungkulin dahil wala namang tiyak na pananagutan. Hindi sapat ang alam natin kung ano ang nangyayari; nararapat na tayo’y magalit. Huwag nating hayaang maging “normal” ang ganitong nakalalasong gawain. Nararapat na singilin natin ang mga opisyal sa bawat segundong wala sila sa kanilang mga posisyong patuloy na pinagpapagalan ng mga mamamayang Pilipino para pondohan. 

Balang araw, ang mga magnanakaw sa dilim ay mahuhuli at mabubulok din sa rehas. Ngunit para sa mga magnanakaw sa bulwagan, hangga’t patuloy tayong nananahimik sa kanilang kapabayaan, tayo mismo ang nagbibigay ng lisensya na ipagpatuloy ang kanilang kapalaluan. 

Hindi ka pa ba galit na sa bawat segundong wala si Bato sa kanyang upuan ay unti-unti ring nawawaldas ang buwis na iyong pinaghihirapan? Hindi ka pa ba galit na ikaw ang patuloy na nauubusan? Dahil kung hindi ka pa galit, bakit?

How did this story make you feel?

Be the first to react · no sign-in needed

Comments

Be civil. Read the Comment Guidelines.

Comments are reviewed by moderators. No account needed for now; sign-in arrives with the reader accounts update.

Loading comments…

More from Opinion

Gaslight, Camera, Action

Danielle Valenzuela (d. haliya) · Sep 11, 2026 · 5 min

Filipino

Inaaresto ka namin sa salang… ay, nakatulog?

John Benedict N. Banday (Isarog) · Sep 10, 2026 · 4 min

Bayan o Gantimpala, Pumili Ka!

Caitlin Mariel Pineda (Clamoriel) · Sep 9, 2026 · 4 min

BaranGASLIGHTING Scholars into Silence

Santi · Sep 9, 2026 · 4 min

Email news

Get the stories that matter, straight to your inbox.

Breaking news, a daily digest at 7:00 AM, or a Sunday round-up. English, Filipino, or both. Unsubscribe anytime.