May kasabihan na ang pinakamabisang kasinungalingan ay iyong may halong katotohanan. Hindi nito kailangang imbentuhin ang lahat. Kailangan lamang nitong palakihin ang maliit, pagandahin ang kulang, at ipakita ang pangako na tila ba isa na itong ganap na tagumpay.
Iyan ang panganib ng State of the Nation Address.
Hindi dahil wala itong katotohanan. Kundi dahil may pagkakataong ang mga pangako, plano, at limitadong implementasyon ay naipipinta bilang tila tapos na ang laban. At kapag ang palakpakan ang naging sukatan ng tagumpay, madaling mabudol ang taumbayan.
Sa aklat na Manufacturing Consent, ipinaliwanag nina Edward Herman at Noam Chomsky kung paanong ang mga institusyon ng kapangyarihan ay maaaring humubog ng pampublikong pananaw sa pamamagitan ng pagpili kung aling naratibo ang bibigyang-diin. Bagama't isinulat ito sa konteksto ng mass media, nagbibigay ito ng lente kung paano maaaring gamitin ng mga opisyal na talumpati ang mga piling tagumpay upang mabuo ang isang mas positibong larawan ng kalagayan ng bansa.
Isa sa pinakamalaking ibinida sa SONA ay ang bente pesos na bigas. Ngunit para sa maraming Pilipino, nananatili itong pangakong hindi pa abot-kamay. Bagama't may mga lugar na nakinabang sa limitadong rollout, hindi ito nangangahulugang ito na ang realidad ng buong bansa. Ang problema sa ganitong presentasyon ay hindi ang programa mismo, kundi ang impresyong para bang nalutas na ang suliranin sa pagkain. Kung ang isang tagumpay ay hindi pa nararanasan ng nakararami, maaari ba itong ituring na pambansang tagumpay?
Ipinagmalaki rin ang mga nakasuhan at nakulong kaugnay ng anomalya sa flood control. Mahalaga ang pananagutan. Ngunit ang tunay na sukatan ng reporma ay hindi lamang kung ilan ang kinasuhan, kundi kung ilan ang komunidad na hindi na binabaha. Hangga't paulit-ulit na nilulubog ng ulan ang mga pamayanan, may karapatan ang mamamayan na itanong kung sapat na ba ang ipinagmamalaking tagumpay.
Edukasyon daw ang nananatiling prayoridad ng administrasyon. Ngunit sa maraming pampublikong paaralan, nananatili ang kakulangan sa silid-aralan, kagamitan, at iba pang pangangailangan. Hindi nabubura ng isang talumpati ang mga problemang araw-araw na hinaharap ng mga guro at mag-aaral. Ang "priority" ay hindi lamang dapat marinig, bagkus ay dapat maramdaman.
Ganito rin ang usapin sa murang kuryente. Sa SONA, binigyang-diin ang mga panukalang reporma upang mapagaan ang pasanin ng mga konsyumer. Ngunit ang panukala ay hindi pa batas. Ang pangako ay hindi pa bawas-singil. Hangga't hindi ito naipatutupad, nananatili itong posibilidad at hindi realidad.
Marami ring ipinagmalaking mga proyektong pang-imprastraktura, pamumuhunan, at mga industrial hub na inaasahang lilikha ng trabaho. Walang masama sa pag-asa. Ngunit hindi dapat ipagkamali ang inaasahang resulta sa aktuwal na resulta. Ang mga proyektong nasa plano pa lamang ay hindi pa awtomatikong tagumpay. Hindi pa trabaho ang ipinangakong trabaho.
Ito ang tunay na budol ng bawat SONA—hindi ang pagsisinungaling sa bawat salita, kundi ang pagpapaniwala na ang mga problemang matagal nang nagpapahirap sa bayan ay halos nalutas na. Kapag ang mga panukala ay ipinakilalang parang natupad na, kapag ang mga pilot program ay ipinakita bilang pambansang tagumpay, at kapag ang mga layunin ay itinuring na parang mga nakamit na, nagiging manipis ang pagitan ng ulat at pangangampanya.
Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang kritikal na pagtingin sa bawat SONA. Sa isang demokrasya, ang talumpati ng Pangulo ay hindi lamang ulat; isa rin itong politikal na mensahe na layuning hikayatin ang publiko na makita ang administrasyon sa isang partikular na lente. Bilang mamamayan, tungkulin nating suriin hindi lamang ang mga salitang sinabi, kundi ang mga datos, implementasyon, at aktuwal na epekto ng mga ito sa buhay ng ordinaryong Pilipino.
Ang SONA ay hindi dapat sinusukat sa dami ng palakpak kundi sa dami ng buhay na tunay na nagbago. Sapagkat ang estado ng bansa ay hindi nakikita sa loob ng Batasang Pambansa. Makikita ito sa pamilyang hindi pa rin makabili ng sapat na pagkain, sa magsasakang lugi pa rin sa ani, sa gurong kulang ang kagamitan, sa manggagawang kinakapos ang sahod, at sa komunidad na muling binabaha sa unang bugso ng ulan.
Kung ang pinakamalaking tagumpay ng isang talumpati ay mapaniwala ang taumbayan na tapos na ang laban kahit nagsisimula pa lamang ang tunay na trabaho, marahil panahon na upang itanong kung ang State of the Nation Address (SONA) ba ay ulat ng kalagayan ng bansa o isa lamang pambubudol sa mga mamamayang umaasa






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…