Opinion

Ang Gintong may Kalawang

Huwag papasilaw sa ihahain na ginto sa hapag-kainan ng bayan, dahil maaaring kalawang ng kaunlaran ang ipapakain sa mamamayan. Muli na namang ipinagbili sa sambayanan ang pangarap ng pag-unlad. Sa kanyang ikalimang…

· 3 min read

Ang Gintong may Kalawang

Huwag papasilaw sa ihahain na ginto sa hapag-kainan ng bayan, dahil maaaring kalawang ng kaunlaran ang ipapakain sa mamamayan.

Muli na namang ipinagbili sa sambayanan ang pangarap ng pag-unlad. Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address, buong pagmamalaking iniharap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Pax Silica Industrial Hub bilang bagong mukha ng kaunlaran. Proyektong pinaniniwalaan na magbibigay ng 130,000 hanggang 190,000 na direktang trabaho at 500,000 hanggang 800,000 na hindi direktang oportunidad. Hindi natin maitatanggi na mahalaga ang oportunidad para sa teknolohiya, inobasyon, at higit sa lahat sa trabaho sa panahon ngayon. Ngunit ang pag-unlad ay hindi dapat maging lisensya upang ipikit ang mata sa maaaring maging kapalit nito.

Ngunit habang ipinagmamalaki ng pamahalaan ang mga trabahong ipinapangako ng Pax Silica, may mga Pilipinong muling itinutulak sa gilid ng usapan. Paano ang mga magsasakang ang buhay ay nakasandig sa lupang maaaring baguhin ang gamit? Paano ang mga komunidad na ang kinabukasan ay nakatali sa kalikasang maaaring masira sa ngalan ng isang pangakong “economic growth”?

Madaling bilangin ang mga trabahong isinusulat sa papel, ngunit sino ang magbibilang sa mga kabuhayang mawawala kapag tuluyang nasira ang kalikasang kanilang inaasahan?

Sa katunayan, hindi dapat palakpakan ang mga numerong hindi pa nga nararanasan. At mas lalong hindi na dapat ipagdiwang ang mga trabahong pangako pa lamang. Sapagkat ang kasaysayan ng bansang ito ay paulit-ulit nang ginawang palabas ang pag-unlad—maraming pangako at magagarbong mga  seremonya, ngunit kapag tapos na ang palakpakan, ang Pilipino pa rin ang naiiwan na pasan ang bigat ng mga desisyong hindi naman siya ang tunay na nakinabang at nananatiling nasa bingit ng laylayan.

Bukod pa rito, mas nakababahala na sa ilalim ng Republic Act No. 12252, o ang inamyendahang Investors’ Lease Act, sinasabing maaring umabot sa 99 taon ang lease ng 1,620 ektaryang lupain sa New Clark City para sa kwalipikadong dayuhang mamumuhunan. Lease lamang, oo. Ngunit huwag nating gawing panangga ang teknikal na salita upang pagaanin ang bigat ng halos isang siglong kasunduan. Sa loob ng siyamnapu't siyam na taon, sino ang tunay na magdidikta sa direksiyon ng industriyang itatayo rito? Ang Pilipinas ba ang magiging katuwang sa paglikha ng teknolohiya—o magiging lupang pagtatayuan lamang ng ambisyon ng iba? Sapagkat ang bansang hindi marunong magtakda ng sariling direksiyon ay unti-unting natututong mamuhay sa balikong direksiyon ng iba.

Patuloy na tumataas ang pangangailangan sa enerhiya ng mga data center dahil sa paglago ng artificial intelligence at cloud computing. Kasabay nito, nagbabala ang mga pandaigdigang institusyon tungkol sa epekto ng pagmimina at pagkuha ng mahahalagang mineral na maaaring magdulot ng pagkasira ng biodiversity, polusyon, at pagkaubos ng likas na yaman.

At sa isang bansang patuloy na humaharap sa matinding init, mapaminsalang bagyo, at krisis sa tubig, hindi ba’t makatuwiran lamang na magtanong kung hanggang saan pa kaya ng ating kalikasan ang dagdag na pasaning ito?

Sapagkat walang halaga ang industriyang itatayo sa ibabaw ng wasak na kalikasan. Walang trabaho ang makapapawi sa lasong dadaloy sa ating mga katubigan, walang kita ang makapapalit sa yamang tuluyang mawawala, at walang pangakong pag-unlad ang makabubura sa pinsalang iuukit sa ating sinilangan. 

Hindi ang pagtutol sa pagbabago ang ipinaglalaban. Ang ipinaglalaban ay ang uri ng pag-unlad na hindi kinakailangang isakripisyo ang sariling bayan.

Dahil ang totoo, walang  tunay na kaunlaran kung ang kapalit nito ay kinabukasan ng bayan.

At kung pinangangatawanan ng Pangulo ang mantrang ‘Bagong Pilipinas, bagong mukha,’ dapat niyang patunayan na ang bawat proyekto ay hindi lamang para sa interes ng mga malalaking mamumuhunan, kundi para sa Pilipinong unang maaapektuhan. Kailangan ang malinaw na konsultasyon sa mga komunidad, mahigpit na pagsusuri sa epekto sa kalikasan, at mga patakaran na titiyak na hindi kailanman maisasantabi ang mga magsasaka, manggagawa, at ordinaryong mamamayan para sa pangalan ng diumano’y kaunlaran.

Sapagkat kailanman hindi patriotismo ang pagbubukas ng pinto sa dayuhan kung kapalit nito ay ang pagliit ng puwang para sa sariling mamamayan. Dahil ang tunay na pagmamahal sa bayan ay ang pagtiyak na sa bawat kasunduang nilalagdaan, Pilipino ang unang pinapaboran—hindi ang dayuhang kapital.

How did this story make you feel?

Be the first to react · no sign-in needed

Comments

Be civil. Read the Comment Guidelines.

Comments are reviewed by moderators. No account needed for now; sign-in arrives with the reader accounts update.

Loading comments…

More from Opinion

Filipino

Ari-SONA B, B Is for Budol

John Benedict Banday · Jul 29, 2026 · 4 min

Filipino

Wala Kang Alam sa FACTS? Silly Ka!

Emmanuel Tarroza (Vox) · Aug 3, 2026 · 3 min

When Power Questions the Pen That Questions Power

Insight PH · Aug 10, 2026 · 2 min

The Bayaran’s Truth

Ashraf Indanan · Jul 25, 2026 · 3 min

Email news

Get the stories that matter, straight to your inbox.

Breaking news, a daily digest at 7:00 AM, or a Sunday round-up. English, Filipino, or both. Unsubscribe anytime.