Malaya raw ang Pilipinas, ngunit bakit hanggang ngayon, tila ang bawat sigaw ng “Mabuhay ang Pilipinas” ay nilalamon lamang ng katahimikan ng mga sikmurang walang laman at ng mga mamamayang matagal nang pinabayaan sa sariling bayan, dahil sa pamahalaang walang ibang pinalaya kundi ang sariling kasakiman.
Walumpung taon na ang nakalipas mula nang tuluyang kilalanin ng daigdig ang kasarinlan ng Republika ng Pilipinas noong Hulyo 04, 1946. Isang araw na sumisimbolo sa pagtatapos ng mahabang yugto ng kolonyal na pamamahala ng Estados Unidos at sa muling pagbangon ng bansang winasak. Sa gitna ng pag-asa, nananatili ang katangungan–tunay nga ba na tayo ay malaya, of napalitan lamang ang anyo ng mga tanikala ng matagal na nating inaakalang naputol?
Sa tagal ng pagiging malaya sa pagkakabihag, bakit hindi pa rin maramdaman ng mga ordinaryong mamamayan ang tunay na diwa nito? Paanong magiging malaya ang kabataang nangangarap na makaahon sa hirap ngunit araw-araw na pinapatay ng bulok na sistema ang kanilang pag-asa? Paanong magiging malaya ang magsasakang patuloy na nilulunod ng utang habang ang lupaing dapat sana’y sa kanila ay hawak pa rin ng iilan? Paanong magiging malaya ang isang manggagawa na halos hindi na makauwi sa pamilya dahil sa kakarampot na sahod?
Ang mas masakit, tila lumang tugtugin na, na tila ang mismong dapat nagsisilbi sa bayan ay nagiging bagong mananakop ng mamamayan.
Hindi na dayuhan ang kumokontrol sa bansa, kundi kapwa Pilipinong nalunod sa kapangyarihan at kasakiman. Habang ang taumbayan ay nagtitipid upang maitawid ang bawat araw, may mga opisyal na walang kahihiyang ginagatasan ang kaban ng bayan. Habang milyon-milyong Pilipino ang patuloy na nagsusumamo para sa maayos na edukasyon, trabaho, at ospital–mga bagay na dapat ay hindi na ipinagmamakaawa pa.
At sa ganitong paulit-ulit na siklo, mas lalong mabigat isipin na lahat ng dugo, luha, at sakripisyo ng mga bayani para sa kalayaan ay tila nauuwi lamang sa kabulaanan.
Kung ganito ang kalagayan ng bayan, ang tanong ay hindi kung kailan tayo naging malaya–kundi kung kailan natin tunay na pipiliing panagutin ang mga patuloy na sumasakal sa kalayaang matagal nang ipinaglaban.
Sapagkat ang kalayaan ay hindi lamang pagtataboy sa mga dayuhang mananakop. Ang tunay na kalayaan ay ang pagkakaroon ng gobyernong tapat upang maiangat ang buhay ng lahat. Hindi ito nasusukat sa dami ng bandilang nakasabit o sa engrandeng parada tuwing araw ng kalayaan. Nasusukat ito sa buhay ng karaniwang Pilipino, kung nakakakain ba siya nang sapat, kung may trabaho ba siyang marangal, kung ligtas ba siyang magsalita, at kung may pag-asa ba siyang mabuhay nang may dignidad sa sariling bayan.
Ang tunay na malaya, may pakialam. May paninindigan at may silbi sa bayan. Dahil hindi na espada ang karaniwang sandata, kundi korapsyon, dinastiya, kasinungalingan, at pamahalaang mas inuuna ang sarili kaysa sa bayan. K
Kaya ikaw, Pilipino—hindi ka ipinanganak upang magtiis sa kalayaang papel lamang, kundi para ipaglaban ang bayan na matagal nang dapat sa’yo, hanggang sa ang inaasam na paglaya ay tunay na maisabuhay at hindi manatiling anino.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…