Nahaharap sa malaking hamon ang Department of Education (DepEd) matapos lumitaw na walang inilaang pondo sa National Expenditure Program (NEP) para sa pag-hire ng mga bagong guro sa susunod na taon.
Sa isang pagdinig sa Kamara, kinumpirma ni DepEd Secretary Sonny Angara na walang alokasyon para sa recruitment program ng mga guro sa ilalim ng panukalang badyet.
Tinatayang aabot sa P973.4 bilyon ang pondong inilaan para sa DepEd sa 2027 na mas mababa ng 3.87% kaysa sa P1.01 trilyong pondo ngayong taon.
Gayunpaman, umaasa ang DepEd na madadagdagan pa ito sa pagpapatuloy ng proseso ng pagbabalangkas ng pondo sa Kongreso.
Ipinahayag ni Angara na humihiling ang ahensya ng karagdagang P49.16 bilyon para sa kanilang personnel improvement program, kung saan kasama rito ang P4.29 bilyon para tugunan ang kakulangan na 14,274 na guro.
Bagamat nakapag-hire na ng mahigit 32,000 na guro ngayong taon na mas mataas kaysa sa karaniwang 20,000 taun-taon ay hindi pa rin umano sapat ang bilang na ito upang punan ang pangangailangan sa sektor ng edukasyon.
Bukod sa mga gurong naghihintay ng posisyon, humihiling din si Angara ng pondo para sa libu-libong Project Development Officer I at School Principal I posts.
Dahil sa kawalan ng pondo para sa bagong hiring at iba pang backlog tulad ng promosyon ng mga guro, hiniling ng House Committee on Appropriations sa kalihim na magsumite ng isang reprioritized list hanggang sa Setyembre 9.
Bagamat may mga alokasyon para sa susunod na taon gaya ng P12 bilyon para sa promosyon ng mga school heads sa 2027, nananatiling malaking dagok ito para sa sektor dahil tinatayang 100,000 tauhan ang naghihintay pa rin ng bakanteng pondo para sa kanilang promosyon.
Nakasalalay ngayon sa desisyon at pag-amyenda ng Kongreso kung maibabalik ang pondo para sa recruitment ng mga guro sa gitna ng P7.2 trilyong pambansang pondo.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…