MANILA, Philippines — Itinulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Luzon Economic Corridor (LEC) bilang pangunahing estratehiya ng administrasyon para sa paglago ng ekonomiya nitong Huwebes, ika-10 ng Setyembre.
Pag-uugnayin ng LEC ang mahahalagang economic hub sa Luzon upang palakasin ang investment at daloy ng mga tao at produkto habang nagbabago ang global supply chains at teknolohiya.
Saklaw ng corridor ang Subic Bay, Clark, Metro Manila, at Batangas, na magkakaugnay mula Central Luzon hanggang National Capital Region at Calabarzon.
Nakaposisyon ang Subic Bay bilang maritime at industrial gateway, Clark bilang sentro ng aviation, logistics, at technology, Metro Manila bilang commercial at financial center, at Batangas bilang base ng manufacturing, energy, at international trade.
“We offer a growing domestic market, access to major trade routes, a young and talented population, and strong economic relationships across the world,” ani Marcos.
Hinimok ni Marcos ang mga business leader na maglaan ng puhunan, teknolohiya, at kaalaman sa Pilipinas upang mapaunlad ang Filipino talent at local suppliers.
“The Philippines is ready… Come and build with us,” pahayag ng pangulo.
Kabilang sa mga prayoridad sa pagpapaunlad ng LEC ang transportasyon at logistics, energy, digital connectivity, at advanced manufacturing upang mapalakas ang imprastraktura at lumikha ng de-kalidad na trabaho.
Layunin din ng corridor na pababain ang energy at logistics costs, palakasin ang supply-chain resilience, at mapadali ang paggalaw ng mga produkto at tao sa mga pangunahing economic hub.
Bahagi ng pangmatagalang plano ang pagpapalawak ng renewable resources, pagpapalakas ng power grid, at pagpapaunlad ng modern digital infrastructure upang suportahan ang mga industriya sa corridor.
Kasama rin sa mga planong kaugnay ng LEC ang Pax Silica Industrial Hub sa New Clark City, na nakatakdang magsilbing advanced manufacturing at logistics hub na konektado sa global AI at technology value chain.
Ayon sa government projections, maaaring makaakit ang 1,620-hectare high-technology hub ng $40 bilyon hanggang $70 bilyon na investment at makalikha ng mahigit 130,000 trabaho kapag ganap na nadevelop. Target ang construction nito sa unang bahagi ng 2028.
Sa kabila ng pagsusulong ng LEC, nagsagawa ng rally ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa labas ng venue sa Taguig City upang tutulan ang Pax Silica initiative na bahagi ng corridor.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…