Nagtala ang Pilipinas ng pinakamataas nitong marka sa kasaysayan ng paglahok sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2025 sa agham, matematika, at pagbasa, ngunit nanatili pa ring mababa kumpara sa average.
Ito ay matapos malampasan ng bansa ang 18 education systems sa pagbasa, 16 sa matematika, at 14 sa agham, ayon sa Department of Education (DepEd).
Nakapagtala ang bansa ng mean score na 373 sa agham, 371 sa matematika, at 367 sa pagbasa, na tumaas nang 17, 16, at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod, mula sa resulta ng 2022.
Dahil dito, pumuwesto ang Pilipinas bilang ika-77 sa 91 education systems sa agham, ika-74 sa 90 sa matematika, at ika-72 sa 90 sa pagbasa.
Kung ihahambing sa resulta noong 2022, umangat ang Pilipinas mula sa ikaanim na pinakamababa sa pagbasa at matematika at ikatlong pinakamababa sa agham sa 81 education systems.
Pinakamalaki ang naging pag-angat ng Pilipinas sa pagbasa, dahilan upang kilalanin ito ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) bilang pinakamabilis na umuunlad na education system sa reading performance batay sa 10-year trend analysis nito.
Mula 340 noong 2018, nang unang lumahok ang Pilipinas sa PISA, umakyat sa 367 ang marka nito sa pagbasa noong 2025, habang nagtala ang OECD ng 38 puntos na pag-unlad sa reading performance ng bansa sa loob ng 10-taong trend.
Inilarawan ni Education Secretary Sonny Angara ang resulta bilang isang mahalagang tagumpay para sa mga mag-aaral at sa buong sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
“This is a significant achievement for our learners and for the entire Philippine education system,” ani Angara sa pambansang paglulunsad ng resulta ng PISA 2025 sa Caloocan City Science High School.
Samantala, binati rin ni Andreas Schleicher, direktor ng OECD para sa Education and Skills, ang mga guro at school leaders sa Pilipinas, at sinabing ang naging resulta ng bansa ay “a story that deserves to be noticed far beyond your borders.”
Tumaas din ang porsyento ng mga Pilipinong mag-aaral na umabot sa Level 2, ang itinakdang baseline proficiency level ng PISA, mula 23% hanggang 32% sa agham, 16% hanggang 21% sa matematika, at 24% hanggang 31% sa pagbasa.
Sa kabila ng pag-angat, nananatiling mababa ang mga marka ng Pilipinas kumpara sa average ng OECD na 482 sa agham, 463 sa matematika, at 461 sa pagbasa.
Nananatili rin sa halos dalawang-katlo ng mga Pilipinong mag-aaral ang hindi umabot sa minimum proficiency level sa tatlong asignatura, na nagpapakitang nananatili ang malaking learning gap sa bansa.
Ayon sa resulta ng PISA 2025, 0.3% lamang ng mga Pilipinong kumuha ng pagsusulit ang umabot sa Levels 5 o 6, ang pinakamataas na proficiency bands ng assessment, sa alinman sa tatlong asignatura.
Bukod sa academic performance, nakapagtala rin ang assessment ng pagtaas sa naiulat na verbal at cyberbullying sa mga paaralan.
Umakyat mula 22% noong 2022 tungo sa 33% noong 2025 ang porsyento ng mga mag-aaral na nagsabing pinagtatawanan sila ng ibang estudyante, habang tumaas naman mula 15% hanggang 19% ang mga ulat ng pagpapakalat ng tsismis.
Bahagya namang bumaba mula 16% hanggang 15% ang naiulat na physical bullying, habang nanatili sa 19% ang mga ulat ng pagbabanta sa kapwa mag-aaral.
Lumahok sa PISA 2025 ang humigit-kumulang 8,000 Pilipinong mag-aaral mula sa hindi bababa sa 208 paaralan, kabilang ang 140 pampublikong paaralan, bilang bahagi ng pagtatasa ng OECD sa mga 15-anyos na mag-aaral mula sa mga lumahok na education systems.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…