Literary

Sa Karaniwan Lang

Jack of all trades, but a master of none.

· 2 min read

Sa Karaniwan Lang

Jack of all trades, but a master of none.

Magandang pakinggan hanggang sa mapansin na ang kaunti mong alam ay hindi pa rin sapat para matawag na jack. Sa paningin ng iba, “maraming alam”, ngunit sa sariling pagtingin, maraming mga pahinang may unang talata na hindi kailanman nasundan pa.

Hindi lahat ng takot ay tungkol sa pagiging kakaiba. Ang kinatatakutan ng iba ay ang maging karaniwan, ang maging isa lamang sa mahabang listahan ng mga pangalang mabilis makalimutan. Ngunit ako, ang kinatatakutan ko ay paano kung hindi lang ako karaniwan, paano kung mas mababa pa ako roon.

Lumaki akong kilala bilang marunong sa lahat, hindi mahusay kundi marunong lang. Marunong makinig sa usapan tungkol sa sining kahit hindi ako pintor at marunong umintindi ng numero kahit hindi ako henyo sa matematika. Kapag may kulang, madalas akong tinatawag.

Hindi ako kailanman ang unang pinipili.

Doon ko napansin na ang lahat ng alam ko, alam din nila, at ito ay mas malalim. Ang mga bagay na ipinagmamalaki kong kaya ko, para sa kanila, panimula lang. Ang mga kaunting kaalaman ko ay parang tubig sa basong hindi man lang umaabot sa kalahati habang ang sa kanila ay lumalampas sa kayang hawakan ng sisidlan.

Hindi ako kulang sa alam kundi kulang lang sa bigat nito. Parang biglang lumiit ang sarili ko sa loob ng silid na iyon o baka hindi naman talaga ako lumaki noon pa man. Sa silid na iyon, pakiramdam ko’y isa lang akong lapis na walang hasa sa mesa ng mga panulat na may tinta.

Habang ang iba ay nagsusumikap umangat, ako’y abala sa pagsukat ng lalim ng sarili kong pagkukulang. Naroon ako, pero tila kulang ang bigat para mapansin. Tahimik akong nakaupo sa gitna ng mga pangalang mabilis binibigkas at mabilis ding nilalagpasan. May mga araw na pakiramdam ko’y nakaabang ang mundo, hindi para hintayin ang aking tagumpay kundi para bilangin ang lahat ng hindi ko nagawa.

May mga sandaling lumilitaw sa isip kung may halaga pa ba ang pagsubok kung malinaw naman na ang agwat, kung ang karera ay nagsimula na bago pa man ako matutong tumakbo. Kung ang ilan ay isinilang na may direksiyon, habang ako’y tila laging naghahanap ng simula. Paano kung ang pagiging sapat ay ideyang para lamang sa iba, pero hindi kailanman para sa akin?

Minsan, ang pagiging average ba ay talagang mababa, o kung isa lamang itong salitang ginawang panakot. Dahil kahit paano, doon ay may kinatatayuan at may espasyong pwedeng galawan pero ako’y tila palaging nasa labas ng linya—hindi sapat para mapabilang dahil palaging kulang ng kaunti, palaging huli ng isang hakbang. Siguro ito nga ay may linya, at ako ang hindi marunong pumila.

How did this story make you feel?

Be the first to react · no sign-in needed

Comments

Be civil. Read the Comment Guidelines.

Comments are reviewed by moderators. No account needed for now; sign-in arrives with the reader accounts update.

Loading comments…

More from Literary

ICE WILL EVENTUALLY MELT

Kerbee de Leon · Apr 9, 2026 · 3 min

Filipino

Pag-iipunan ko sana…

John Benedict N. Banday · Apr 9, 2026 · 2 min

When Sleep Paralysis Breaks Through My Escape

Jean S. Cais · Apr 9, 2026 · 3 min

Filipino

Wala nang pagpapastulan ng kalabaw

Maningning · Apr 9, 2026 · 1 min

Email news

Get the stories that matter, straight to your inbox.

Breaking news, a daily digest at 7:00 AM, or a Sunday round-up. English, Filipino, or both. Unsubscribe anytime.