Wala nang damong humahaplos sa paa ng umaga.
Ang kampanilya’y hindi na kumakalansing sa hangin,
nilamon ng makina at businang sumisigaw sa lansangan.
Dati’y luntian ang lawak ng lupa’t kalangitan,
may araw na marahan, may hapong walang hanggan.
Ang ilog ay malinis, dalisay kung pagmasdan,
maging mga punongkahoy, kayrami’t ‘di mabilang.
Ngayo’y lupa’y ‘di na tahanan kundi puhunan,
ang damo’y ‘di na pastulan kundi pagkakitaan.
Pati katubigan na dati’y buhay at kristalino,
ngayo’y bahagi na ng mundong naging semento.
“Kayrami ng gusali,” ani ng aking lola,
ibang-iba na raw sa dating mala-paraiso.
Maging huni ng mga ibon sa ginituang umaga,
ay ‘di ko na marinig o madatnan man lang.
Kaya wala nang pagpapastulan ng kalabaw.
Ang bukid ay naging lote, ang lote’y naging plaza.
Sa pagitan ng semento at lumang damuhan,
bakit maging kalikasan, binibenta’t may presyohan?






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…