Literary

Ma, Pagod na Ako

’Yun agad ang unang bumungad sa akin pagpasok ko ng bahay. Amoy toyo, bawang, at pamintang buo—’yung halimuyak na parang yakap ni Mama tuwing uuwi ako galing sa paaralan. Biglang kong naramdaman ang gutom. Hindi lang sa…

· 2 min read

Ma, Pagod na Ako
Amoy adobo. ’Yun agad ang unang bumungad sa akin pagpasok ko ng bahay. Amoy toyo, bawang, at pamintang buo—’yung halimuyak na parang yakap ni Mama tuwing uuwi ako galing sa paaralan. Biglang kong naramdaman ang gutom. Hindi lang sa tiyan, kundi ’yung gutom na matagal nang humahaplos sa kaluluwa ko. “Ma?“ mahina kong tawag. Tahimik, walang sumagot. Pero hindi ko iyon agad pinansin. Baka nasa kusina lang siya‚ abala sa pagkulay ng sarsa‚ ’yung may halong asukal para mas lumasa. Tahimik ang buong bahay‚ pero alam kong naroon ang presensya niya—ang kaluskos ng sandok sa kawali‚ ang mga hakbang sa sahig‚ ang mahina niyang pagsipol‚ sasabayan pa ng mabagal na pagsayaw habang nagluluto. Dama ang pagod at gutom‚ nakangiti akong naglakad papunta sa kusina. At doon‚ natigil ang lahat. Walang adobo. Walang Mama. Walang kahit sino. Ang kawali ay malamig‚ ang kalan ay tahimik. Sa mesa‚ may mga plato—pero matigas na kanin lamang ang nakahain. At ’yung amoy adobo? Naubos. Tila hinigop ng hangin‚ iniwan akong gutom sa gitna ng malamig at tahimik na tahanan. Napaupo ako. Doon sa upuang laging inuupuan niya. Mula roon‚ tanaw ko ang kalderong may gasgas‚ ’yung ginamit niya sa huling lutong adobo bago siya dinala sa ospital. Naalala ko pa ang ngiti niya noon—pagod pero totoo. “Anak‚ huwag mong kalimutang kumain kahit wala na ako, ah?“ Akala ko biro niya lamang ’yon. Simula noon‚ araw-araw kong hinahanap ang amoy na ’yon. Minsan‚ may mga umagang parang naririnig ko pa rin ang matinis na boses niya‚ “Maaga kang umalis‚ hindi ka pa nag-almusal!“ Minsan, nadadala ako ng ilusyon—akala ko nandiyan lang siya‚ sa gilid‚ nagluluto ng paborito kong putahe. At sa bawat sandaling gano’n‚ panandaliang nabubura ang bigat sa dibdib ko. Pero alam kong laging may katapusan ang mga imahinasyong gano’n. Kasi tuwing didilat ako‚ tuwing hahakbang papunta sa kusina‚ lagi kong naaalala—wala na talaga siya. Pagod na ako, Ma. Pagod na akong maniwalang may adobong naghihintay sa mesa. Pagod na akong umasang babalik ka sa bawat amoy ng niluluto sa kapitbahay. Pagod na akong lokohin ang sarili kong maririnig pa muli kita. Pagod na akong tawagin kang Ma at umaasang sasagot ka. Sabi nila‚ ang pagkawala raw ay bahagi ng buhay. Pero bakit pakiramdam ko‚ sa tuwing naaalala kita‚ hindi ako nabubuhay—kundi unti-unting nauupos? Ma, pagod na ako. Pagod na akong magising sa mga alaala mo. Pagod na akong maramdaman ka sa mga amoy‚ sa mga tunog‚ sa mga sandaling alam kong kathang-isip lamang. At sa katahimikan sa kusina‚ habang nakatingin ako sa kawaling hindi na umuusok‚ napagtanto ko—wala na talaga ang ina kong nagluluto ng adobo. At ako‚ napagtanto kong baka hindi lamang ako gutom sa niluluto mong adobo— baka gutom lang ako sa mga yakap mo.

How did this story make you feel?

Be the first to react · no sign-in needed

Comments

Be civil. Read the Comment Guidelines.

Comments are reviewed by moderators. No account needed for now; sign-in arrives with the reader accounts update.

Loading comments…

More from Literary

Filipino

Ang ‘Di Nakikitang Kamay ng Pamamahayag

Nicholas y Pancho de Villamayor · Nov 4, 2025 · 2 min

Filipino

Laban sa Katahimikan

Alleya Krisha Naveros · Nov 2, 2025 · 1 min

Filipino

Babae, Walang Paumanhin

Lia Abellana · Nov 2, 2025 · 2 min

Déjà Vu of Tragedy

Ysha De Paz Olarte (IntroInks) · Nov 10, 2025 · 2 min

Email news

Get the stories that matter, straight to your inbox.

Breaking news, a daily digest at 7:00 AM, or a Sunday round-up. English, Filipino, or both. Unsubscribe anytime.