Opinion

LUNAS BA O LASON?

May mga mensaheng isinilang mula sa mabuting intensyon, ngunit sa maling pagbalangkas ay nagiging lason sa mga taong araw-araw na namumuhay kasama ang totoong kondisyon. Sa usapin ng kalusugang pangkaisipan, hindi sapat…

· 3 min read

LUNAS BA O LASON?

May mga mensaheng isinilang mula sa mabuting intensyon, ngunit sa maling pagbalangkas ay nagiging lason sa mga taong araw-araw na namumuhay kasama ang totoong kondisyon. Sa usapin ng kalusugang pangkaisipan, hindi sapat ang mabuting hangarin—mahalaga ring maging responsable sa paraan ng pagpapahayag nito.

Kamakailan, isang post ng isang retreat camp sa Surigao Del Norte ang naging usap-usapan dahil sa Content Viral na video. Makikita sa video ang isang life coach na kung saan binabasa nito ang nakasulat sa isang pirasong papel, “I am letting go of my Bipolar Disorder,” bago ito ihulog sa bonfire bilang simbolo ng pagbitaw. Bagama’t maaaring layunin nitong ipahiwatig na ang kanyang diagnosis ay hindi dapat maging kabuuan ng kanyang pagkatao, marami rin ang nagpuna na ang ganitong paglalarawan ay maaaring magbigay ng maling mensahe tungkol sa bipolar disorder at sa proseso ng paghilom.

Ayon sa American Psychiatric Association, ang bipolar disorder ay isang mental health condition na nagdudulot ng matinding pagbabago sa mood, enerhiya, at kakayahang gampanan ang pang-araw-araw na gawain. Hindi ito simpleng pabago-bagong emosyon o kalungkutang maaaring mawala sa pamamagitan lamang ng positibong pag-iisip o isang simbolikong ritwal. Bagama’t may mga taong nakakamit ang recovery, hindi ito nangangahulugang “nawala” ang kondisyon. Sa halip, natututo silang pamahalaan ang kanilang mga sintomas sa tulong ng gamot, psychotherapy, suporta ng pamilya, at patuloy na pangangalaga.

Hindi ito usapin ng pagkontra sa pag-asa. Sa katunayan, mahalagang ipaalala sa bawat taong may mental illness na higit sila sa kanilang diagnosis. Ngunit may malaking pagkakaiba ang pagsasabing, “Hindi ako ang aking diagnosis,” at “Iniwan ko na ang aking diagnosis.” Ang una ay nagbibigay-lakas nang hindi itinatanggi ang realidad ng kondisyon; ang ikalawa ay maaaring magpahiwatig na ang isang mental illness ay isang bagay na kusang nawawala basta’t piliin lamang itong iwan.

Dito nagiging mapanganib ang maling pagbalangkas. Kapag ipinakita ang isang mental illness na para bang maaari lamang itong bitawan, nabubuo ang maling paniniwalang sapat na ang determinasyon, pananampalataya, o positibong pag-iisip upang gumaling. Bunga nito, nagkakaroon ng hindi makatotohanang inaasahan sa mga taong may mental illness—na kung gugustuhin lamang nila, maaari na silang gumaling. Kapag hindi ito nangyari, ang tanong ay hindi na, “Ano pa ang maitutulong natin?” kundi, “Bakit hindi mo pa rin ito mabitawan?”

Mas nagiging mabigat ang implikasyon nito sa Pilipinas, kung saan milyon-milyong Pilipino ang nakararanas ng iba’t ibang mental health conditions at marami pa rin ang nahihirapang makakuha ng sapat na mental health services dahil sa stigma at kakulangan ng access, ayon sa Department of Health. Sa ganitong kalagayan, ang mga mensaheng nagpapasimple sa proseso ng paghilom ay hindi lamang nagkakalat ng maling impormasyon—maaari rin nitong palalimin ang stigma at sisihin ang mga taong patuloy na lumalaban sa kanilang kondisyon.

May kapangyarihan ang mga salita. Maaari silang maging daan upang maunawaan ang isang kondisyon, ngunit maaari rin silang maging dahilan upang lalo itong hindi maunawaan. Kaya sa bawat mensaheng layong magbigay ng pag-asa, dapat ding isaalang-alang ang katumpakan at epekto nito sa mga taong tunay na nabubuhay sa realidad ng mental illness.

Sapagkat hindi lahat ng mukhang lunas ay nakagagamot. Minsan, ang mga salitang inakala nating nagbibigay-buhay ang siya palang tahimik na nagiging lason.

How did this story make you feel?

Be the first to react · no sign-in needed

Comments

Be civil. Read the Comment Guidelines.

Comments are reviewed by moderators. No account needed for now; sign-in arrives with the reader accounts update.

Loading comments…

More from Opinion

When Family Became Unfamiliar

Charles Dominick I. Olavario (Hot Water) · Sep 7, 2026 · 8 min

Too late for a rain check

Anika Lorelle Uy (Catharsis) · Sep 6, 2026 · 4 min

School Drills Can't Fix What Gun Laws Won't

Aron Vic De Castro (bentesingko) · Sep 4, 2026 · 5 min

BaranGASLIGHTING Scholars into Silence

Santi · Sep 9, 2026 · 4 min

Email news

Get the stories that matter, straight to your inbox.

Breaking news, a daily digest at 7:00 AM, or a Sunday round-up. English, Filipino, or both. Unsubscribe anytime.