Opinion

Kalayaan o Kasanayan

Mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan ng isang bansa ang pag-alala sa mga makasaysayang pangyayari at sa mga taong naging daan sa paghubog nito. Sa pamamagitan ng mga paggunita at pagdiriwang, napapanatiling buhay ang…

· 3 min read

Kalayaan o Kasanayan

Mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan ng isang bansa ang pag-alala sa mga makasaysayang pangyayari at sa mga taong naging daan sa paghubog nito. Sa pamamagitan ng mga paggunita at pagdiriwang, napapanatiling buhay ang kamalayan ng mamamayan sa kanilang kasaysayan, kultura, at mga pagpapahalagang nagsisilbing gabay sa kasalukuyan.

Mahigit pitong dekada na ang lumipas mula nang kilalanin ang Pilipinas bilang isang malayang bansa matapos ang pananakop ng Estados Unidos. Ang kalayaang ito ay bunga ng mahabang pakikibaka ng ating mga ninuno upang maipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino na pamahalaan ang sarili nilang bayan. Sa paglipas ng panahon, patuloy nating binuo ang ating sariling pagkakakilanlan bilang isang malayang bansa.

Ngunit ang kalayaan ay hindi lamang nasusukat sa pagtatapos ng pananakop o sa pagkakaroon ng sariling pamahalaan. Kasabay ng paglaya ng isang bansa ay ang hamon na hubugin ang sariling pagkakakilanlan at pag-iisip—isang hamong nananatili hanggang sa kasalukuyan.

Kaya sa tuwing binabalikan natin ang ating kasaysayan, may isang tanong na marahil ay dapat din nating pag-isipan:

Malaya ba tayo, o nasanay lang tayo?

Wala nang banyagang kapangyarihang namumuno sa ating bansa. May sarili tayong watawat, pamahalaan, at pagkakakilanlan bilang isang malayang bayan.

Hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala ang tinatawag na kolonyal na mentalidad. Makikita ito sa mga simpleng bagay na tila naging normal na lamang sa atin: mas maganda kapag imported, mas kapani-paniwala kapag dayuhan ang nagsabi, at mas maipagmamalaki kapag may banyagang pagkilala.

Hindi naman masama ang paghanga sa ibang kultura. Hindi rin masama ang matuto mula sa ibang bansa. Ngunit naging problema ito kapag mas mataas na ang tingin natin sa banyaga kaysa sa sarili nating kakayahan bilang mga Pilipino.

Marahil kaya hanggang ngayon ay tumatatak pa rin sa marami ang linyang “Inglis! Inglis!” mula sa pelikulang Heneral Luna. Hindi ito simpleng usapin ng paggamit ng Ingles. Isa itong paalala kung paano minsan ay mas pinapakinggan natin ang banyagang tinig kaysa sa sarili nating boses.

At kung tutuusin, may mga pagkakataon pa ring nakikita natin ito sa kasalukuyan.

Halimbawa na lamang ang Iti Mapukpukaw, isang animated na pelikulang Ilokano na kilala sa iba’t ibang pandaigdigang film festival at naging opisyal na kalahok ng Pilipinas para sa Academy Awards. Sa kabila ng mga natanggap nitong pagkilala, marami pa ring Pilipino ang hindi pamilyar dito.

Nakalulungkot isipin na kung minsan, saka lamang natin binibigyang-pansin ang isang likhang Pilipino kapag napansin na ito ng ibang bansa.

Hindi lamang ito tungkol sa pelikula. Makikita rin ito sa musika, sining, panitikan, at maging sa ating mga pananaw. Minsan, tila kailangan pa nating marinig mula sa iba na magaling tayo bago natin ito paniwalaan sa ating sarili.

Kung gayon, masasabi ba nating ganap na tayong malaya?

O baka may mga bahagi ng ating pag-iisip na nasanay na lamang sa mga bakas ng pananakop?

Marahil ang pinakamalaking pamana ng kolonyalismo ay hindi ang mga gusaling naiwan nito o ang mga pahina ng kasaysayang ating binabasa. Marahil, ito ay ang mga kaisipang tahimik na nanatili kahit matagal nang nakamit ang kalayaan.

Kaya habang patuloy nating inaalala ang mga sakripisyo ng ating mga ninuno, mahalagang alalahanin hindi lamang kung paano nila ipinaglaban ang ating bansa. Mahalaga ring tanungin kung paano natin pinahahalagahan ang sariling atin sa kasalukuyan—ang ating wika, kultura, sining, at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

Sapagkat ang tunay na kalayaan ay hindi lamang nasusukat sa kawalan ng mananakop. Nasusukat din ito sa kakayahan nating pahalagahan ang sarili nating halaga nang hindi naghihintay ng pagpapatunay mula sa iba.

At marahil, doon nagsisimula ang tanong na dapat nating paulit-ulit na pag-isipan: Kalayaan nga ba ang mayroon tayo, o kasanayan lamang sa mga kaisipang iniwan ng ating nakaraan?

How did this story make you feel?

Be the first to react · no sign-in needed

Comments

Be civil. Read the Comment Guidelines.

Comments are reviewed by moderators. No account needed for now; sign-in arrives with the reader accounts update.

Loading comments…

More from Opinion

Sports Editorial

The Price of Imported Power

Insight PH · Jul 20, 2026 · 2 min

Those free iPhones are not for free

Kia Garcia · Jul 19, 2026 · 2 min

Email news

Get the stories that matter, straight to your inbox.

Breaking news, a daily digest at 7:00 AM, or a Sunday round-up. English, Filipino, or both. Unsubscribe anytime.