Opinion

Ang Batang Marahas ay Anak ng Lipunang Sanay sa Dahas

Sa tuwing may kabataang nasasangkot sa isang marahas na krimen, tila pare-pareho ang tanong na ibinabato ng lipunan.

· 3 min read

Ang Batang Marahas ay Anak ng Lipunang Sanay sa Dahas

Sa tuwing may kabataang nasasangkot sa isang marahas na krimen, tila pare-pareho ang tanong na ibinabato ng lipunan.

Video games ba? Social media ba? Masyado bang babad sa internet?

Madaling maghanap ng salarin sa isang umiilaw na screen. Mas mahirap harapin ang posibilidad na ang tunay na salarin ay ang mundong nasa kabilang panig nito.

Bago pa matutong paano gumamit ng gadget ang isang bata, natututo na siyang humawak ng paniniwala. Hindi ito nagsisimula sa laro, kundi sa tahanan, sa lansangan, sa telebisyon, sa social media, at sa bawat pagkakataong nakikita niyang may pumapalakpak sa dahas.

Hindi naman ipinanganak ang isang bata na alam kung ano ang tama at mali. Unti-unti niya itong binubuo sa pamamagitan ng pagmamasid. Ang mga unang modelo niya ay hindi mga karakter sa video game, kundi ang mga taong nasa paligid niya—mga magulang, guro, kaibigan, at maging ang mga pinunong paulit-ulit niyang napapanood sa balita.

Ito ang isa sa mga pundamental na katotohanan ng pag-unlad ng tao—natututo ang bata sa pamamagitan ng obserbasyon. Hindi lamang siya nakikinig sa sinasabi ng matatanda bagkus ginagaya rin niya ang kanilang ginagawa at ang mga asal na tila tinatanggap ng lipunan.

Kaya paano natin maaasahang paniwalaan ng isang bata na mali ang karahasan kung paulit-ulit niyang nakikitang ito ang pinapalakpakan?

Sa loob ng maraming taon, naging bahagi ng ating pampublikong diskurso ng mararahas na pananalita. Maging si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay malayang kinuwento na naging marahas siya noong kabataan niya, at sa kanyang panunungkulan ay hindi naging bihira ang mga pahayag na tila nagbibigay-katwiran sa dahas bilang sagot sa kriminalidad. Hindi ito usapin ng personalidad o politika lamang. Usapin ito ng mensaheng ipinapadala kapag ang ganitong mga salita ay nagmumula sa isang makapangyarihang pinuno.

Kapag ang dahas ay inuulit nang inuulit sa ating mga talumpati, komentaryo, tahanan, at social media, unti-unti itong nawawalan ng bigat. Ang dating nakagigimbal ay nagiging pangkaraniwan. Ang dating kinokondena ay nagiging katanggap-tanggap.

Ito ang isa sa mga pinakanakababahalang katangian ng tao bilang nilalang panlipunan. Habang tumatagal, naaayon tayo sa mga pamantayang paulit-ulit nating nakikita. Kung ang lipunan ay tila pumapalakpak sa dahas, hindi nakapagtatakang may mga kabataang maniwalang ito rin ang tamang paraan upang igiit ang kapangyarihan, lutasin ang alitan, o makamit ang hustisya.

Hindi ito nangangahulugang walang impluwensya ang video games o social media. Ang media ay may kakayahang humubog ng pananaw ngunit magkaiba ang pagkakita sa karahasan at ang paniniwalang katanggap-tanggap itong gawin sa totoong buhay.

Kung ang video games lamang ang lumilikha ng mararahas na tao, matagal nang napuno ng kriminal ang mundong binubuo ng milyun-milyong manlalaro. Ngunit hindi ganoong kasimple ang pag-uugali ng tao. Mas malalim ang mga ugat nito—ang pamilya, komunidad, karanasan, pagpapahalaga, at ang kulturang araw-araw niyang ginagalawan.

Marahil, kaya madali nating sisihin ang isang laro sa loob ng screen ay dahil hindi ito lumalaban. Hindi nito tayo pinipilit na tanungin kung anong uri ng lipunan ang ating binuo para sa susunod na henerasyon.

Bago natin pagbawalan ang isang bata na maglaro, marahil ay dapat muna nating tanungin kung ano ang itinuturo ng mundong uuwian niya pagkatapos niyang ibaba ang laro.

Sapagkat ang batang marahas ay hindi lamang produkto ng kaniyang nilalaro. Maaari rin siyang maging anak ng isang lipunang matagal nang sanay sa dahas.

How did this story make you feel?

Be the first to react · no sign-in needed

Comments

Be civil. Read the Comment Guidelines.

Comments are reviewed by moderators. No account needed for now; sign-in arrives with the reader accounts update.

Loading comments…

More from Opinion

Sports Editorial

The Price of Imported Power

Insight PH · Jul 20, 2026 · 2 min

Filipino

Kalayaan o Kasanayan

Drexli Joanna Ambida (Siniko-lohiya) · Jul 20, 2026 · 3 min

Those free iPhones are not for free

Kia Garcia · Jul 19, 2026 · 2 min

The Bayaran’s Truth

Ashraf Indanan · Jul 25, 2026 · 3 min

Email news

Get the stories that matter, straight to your inbox.

Breaking news, a daily digest at 7:00 AM, or a Sunday round-up. English, Filipino, or both. Unsubscribe anytime.