Kapag may bagyo, isang eksena ang halos kabisado na ng mga Pilipino: Babaha. Lilikas. Magpapa-rescue. Kukuha ng relief goods. Magpapakuha ng litrato ang mga opisyal. Maglalabas ng pahayag. Mangangako ng solusyon.
Pagkatapos nito, hihintayin nating humupa ang tubig para makalimutan ang lahat—hanggang sa muli na naman tayong malunod sa panibagong baha.
Paulit-ulit ang ganitong siklo. Kaya sa totoo lang, ganito nga ba ang tinatawag nating tulong?
Hindi na bago ang baha. Hindi na rin bago ang bagyo. At lalong hindi na bago ang mga babala.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang lubhang nakalantad sa natural hazards, at patuloy na tumitindi ang mga panganib na ito dahil sa pagbabago ng klima. Ngunit malinaw rin sa mga pag-aaral sa disaster risk reduction na ang isang hazard ay hindi awtomatikong nagiging sakuna. Ang lawak ng pinsala ay nakadepende rin sa kung gaano kahanda ang mga komunidad, gaano katatag ang imprastraktura, gaano kahusay ang pagpaplano, at gaano kaepektibo ang pamamahala.
Ibig sabihin, oo, hindi kontrolado ng gobyerno kung kailan uulan. Pero hindi ulan ang gumagawa ng lahat ng desisyon. May magpaplano ng drainage, magdidisenyo ng mga flood-control system, maglalaan ng pondo, magpapatupad ng zoning, magtatayo ng evacuation centers, magpapasya kung saan ligtas magtayo ng komunidad, at may mga opisyal na mananagot kapag hindi gumana ang mga ito.
Kaya kapag umapaw ang ilog, bumara ang drainage, lumubog ang kalsada, at pumasok ang tubig sa bahay, hindi sapat na ituro lamang ang langit at sabihing “natural disaster” lamang iyon.
Minsan, natural ang hazard. Pero ang pagiging vulnerable ng tao ay hindi palaging natural.
Mismong ang Asian Development Bank ay naglatag na ang epektibong flood-risk management ay hindi lamang tungkol sa pagtatayo ng flood-control structures. Kabilang dito ang mas maayos na flood-risk planning, data management, flood-protection asset management, infrastructure, at paghahanda ng mga komunidad.
Kung gayon, bakit tila kapag dumating ang baha, ang unang depensa ng Pilipino ay sariling diskarte? At bakit pagkatapos ng lahat, sasabihin lamang sa kanila: “Babangon tayo.”
Oo, babangon tayo. Pero bakit ninyo kami paulit-ulit na pinababagsak?
Dito nagiging mapanganib ang konsepto ng “katatagan.”
Madalas nating ipinagmamalaki na matatag ang mga Pilipino. Kapag may bagyo, bumabangon. Kapag binaha, naglilinis. Kapag nawalan ng bahay, nagsisimula ulit. Magandang pakinggan. Pero hanggang kailan natin gagawing medalya ang kakayahang mabuhay sa kapabayaan?
Hindi dapat sukatan ng katatagan ang kung gaano karaming beses kayang mawalan ng bahay ang isang pamilya at muling magsimula. Hindi dapat kabayanihan ang paglangoy palabas ng sariling bahay dahil hindi gumana ang sistemang dapat sana’y pumigil sa baha. At hindi dapat normal na bahagi ng pagiging Pilipino ang paulit-ulit na pagbangon mula sa problemang maaaring napigilan.
Dahil may malaking pagkakaiba ang pagtulong pagkatapos ng sakuna at pag-iwas sa sakunang maaaring makabawas sa pinsala.
Oo, mahalaga ang rescue, ang relief goods, at ang evacuation centers. Pero kung bawat taon ay kailangan nating ilabas ang parehong rescue boats, ipamahagi ang parehong relief goods, at ilikas ang parehong mga komunidad, marahil kailangan nating tanungin kung tunay bang solusyon ang ginagawa natin o paulit-ulit lamang nating tinatakpan ang sugat nang hindi ginagamot ang sakit.
Dahil kung tunay na nakatutulong ang sistema, bakit paulit-ulit nitong hinahayaang malunod ang parehong mga tao? Kung bilyun-bilyong piso ang inilaan para sa flood control, bakit hindi sapat ang proteksiyong nararamdaman ng mga komunidad? Kung mahusay ang sistema, bakit ang pinakamahihirap ang palaging unang lumulubog?
Hindi natin kailangan ng pamahalaang mahusay lamang sa pagkuha ng litrato habang namimigay ng relief goods. Kailangan natin ng pamahalaang may kakayahang pigilan ang mga problemang kaya nitong pigilan, may tapang na managot sa mga pagkukulang, at may malasakit na hindi natatapos kapag humupa na ang baha.
Dahil ang tunay na tulong ay hindi lamang pag-aabot ng kamay kapag nalunod na ang tao. Ang tunay na tulong ay pagtatayo ng sistemang hindi siya hahayaang malunod sa unang pagkakataon.
Kaya huwag nating gawing romantiko ang paulit-ulit na pagbangon. Hindi kahanga-hanga ang isang sistemang paulit-ulit kang itinutulak sa hukay at pagkatapos ay pinapalakpakan ka dahil marunong kang umakyat.
Hindi katatagan ang palaging pagligtas sa sarili. Kapag paulit-ulit tayong inilulubog ng parehong problema, baka pananagutan na ang kailangan nating singilin.
Dahil ang tanong ay hindi kung marunong bang lumangoy ang Pilipino. Ang tanong ay bakit kailangan pa niyang lumangoy para lang mabuhay?






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…