Sarado ang mga mata, walang nakakikita, walang nakaaalam. Ang wika ay tahimik pa: hindi pa ginagamit at hindi pa nagbibigay-liwanag.
Sa panahon ng krisis, madalas na hindi pa handang tumingin ang bayan. Ang dilim bago ang liwanag ay ang katahimikan bago ang pagsasalita. At sa katahimikang iyon, ang katotohanan ay nananatiling nakabaon, naghihintay ng tamang sandali upang sumibol.
Ngunit ang katahimikan ay hindi nangangahulugang walang nangyayari. Sa ilalim ng dilim, may mga kuwentong naghihintay na mailahad. May mga tinig na tumatago bago tuluyang marinig. May mga katotohanang kailangan nang maibunyag.
Liwanag sa Dilim
Sa isang bahagi ng mata ay ang balintataw na bumubukas upang tumanggap ng liwanag. Ito ang nagbibigay-daan upang makakita nang malinaw. Kung walang balintataw, nananatiling sarado ang mata sa katotohanan, anoman ang liwanag nakapaligid dito. Ganoon din ang wika: ito ang siyang nagbubukas sa pag-unawa, ang nagbibigay-pangalan sa mga nakikita at nararamdaman.
Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), may 135 katutubong wika sa Pilipinas. Ilan sa mga ito ay nanganganib nang mawala. Ang mga bilang na ito ay higit pa sa estadistika, ito ang mga wikang ginagamit araw-araw ng mga komunidad. Ito ang mga wikang nagdadala ng kasaysayan at pagkakamilanlan ng bawat pangkat etniko sa bansa.
Kaakibat ng pagbabantay sa mga wikang ito ang pagdiriwang ng Buwan ng mga Wika at Kasaysayan ngayong Agosto. Ngayong taon, ang tema ay "Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon." Ngunit bago ang teknolohiya, bago ang artipisyal na katalinuhan, ang wika mismo ang unang kasangkapan ng pag-unawa sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito ang nagsilbing tulay sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyan, ng mga ninuno at ng mga susunod na henerasyon.
Ika nga ni Senator Loren Legarda: "Ang ating mga wika ay buhay na pamana. Sa bawat salitang binibigkas, naroon ang kasaysayan ng ating mga ninuno at ang pangarap ng ating mga anak." Ang kaniyang pahayag ay nagpapaalala na ang wika ay hindi lamang kasangkapan para sa komunikasyon, kundi tagapangalaga rin ito ng kultura at kasarinlan.
Pagbukas at Pagtanggap
Bumubukas ang mga mata at tumatanggap ng liwanag. Nakikita ng mga ito ang hugis at kulay ng mundo bagaman malabo.
Naging daan ang wika sa mga dokumentaryo ni Kara David, kagaya ng "Paraisong Uhaw" noong 2010 at "Ibinasurang Paraiso" na ipinalabas kamakailan lamang. Sa pamamagitan ng mga salita ng mga naapektuhan, nabigyan ng mukha at tinig ang mga problemang matagal nang nababalewala: ang kakulangan sa tubig, pagkawala ng lupa, at pagkasira ng kabuhuyan. Ipinakita nito ang kalagayan ng mga komunidad na nawalan ng tubig at lupa. Ang mga residente ng Balud, Masbate na naghuhukay ng lupa para sa tubig, at ng mga Aeta sa Sitio Tibag, Subic, Zambales na nawalan ng mga lupain dahil sa pitong taong pagtatambak ng basura. Higit sa mga palabas ukol sa kanila, sila ay mga kuwentong nararapat na kilalanin ng bayan.
Sa isang pampublikong paaralan sa Negros Oriental, binatikos ang Anselma E. Gonzales National High School matapos gumamit ng AI sa paligsahan nila sa poster-making para sa Buwan ng Wika 2026. Ipinaliwanag ng paaralan na sang-ayon ito sa memorandum ng kanilang dibisyon. Ang pangyayaring ito ay nagpapakita na ang wika ay saksi sa mga bagong isyu at pagtatalo sa modernong panahon.
Sa 135 katutubong wika sa Pilipinas, 40 ang nanganganib nang mawala—22 sa Luzon, 10 sa Visayas, at walo sa Mindanao. Ang pagkalipol ng isang wika ay hindi lamang pagkawala ng mga salita; ito ay paglimot sa kasaysayan, kultura, at pagkakakilablan ng isang buong komunidad. Bawat wikang namamatay ay nag-iiwan ng bakanteng puwang sa alaala ng bayan.
Saksi at Sandalan
Mula sa bagyo hanggang sa lindol, ang wika ang nagtatala ng pagkalugmok at pagbangon.
Noong 2013, ang salitang "Yolanda" ay naging simbolo ng pagkawasak at ng pagbangon ng mga Pilipino. Ang wika ang nagdala ng kuwento ng mga nasalanta sa Tacloban at iba pang bahagi ng Visayas—ang kanilang mga salita ng takot, pag-asa, at paglaban ay naging bahagi ng kasaysayan ng bansa. Ang mga salaysay ng takot, ng kawalan ng seguridad, ng mga buhay na nawasak ay mga pangyayaring maaaring kapupulutan ng aral upang hindi na maulit pa.
Sa gitna ng ingay at kasinungalingan, ang wika ang nagiging sandalan ng katotohanan. Ayon pa rin kay Legarda, "Kapag ginamit natin ang sariling wika sa pananaliksik, sa pagtuturo, at sa paglikha ng kaalaman, mas nagiging makabuluhan ang lahat ng ito." Sa panahon ng panlilinlang, ang paggamit ng sariling wika ay nagbibigay-daan upang mas maunawaan ng mamamayan ang mga isyu at makapagdesisyon nang may batayan. Sa bawat salita, ang wika ay nagsisilbing kabuhol ng kasaysayan—ng mga karanasan ng nakaraan, ng mga pagkakamaling hindi dapat kalimutan, at ng mga tagumpay na dapat ipagdiwang.
Mulat na Ulat
Hindi na muling pipikit pa.
Iyan ang pinakamakapangyarihang desisyon: ang harapin ang katotohanan kahit masakit. Ang pagpiling magsalita kahit mas madaling itikom ang mga bibig. Sa panahon ng sakuna, karahasan, at kawalan ng katiyakan, ang wika ang nagsisilbing bukas na talaarawan ng lahat na ito. Ang wika ang balintataw: ang kakayahang makakita nang malinaw, manindigan, at mag-iwan ng karunugan para sa susunod na henerasyon.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…