“Inis na inis na ako sa Pilipinas! Paano mo nasisikmurang tayuan ng pabrika ng Pax Silica ang lupaing para rapat sa mga Pilipino? Paano mo nakakayang panoorin ang mga kababayan mong malunod sa baha, matapos ibulsa ang badyet na para sana sa flood control? ”
Ang pag-ibig sa pagitan ng Pilipinas at Pilipino ay nagiging hikahos. Paano ko ba mamahalin ang Pilipinas?
JEEPNEY LOVE STORY
Sa dyip: bayad ng isa, iaabot ng lahat. “Para” ng isa, sigaw ng lahat. Walang utos mula sa drayber. Ngunit may mga kamay—kalyado man, may pekeng kuko, maliit, o kulubot na—na kusang sumasalo ng bente punit-punit sa gilid.
Hindi rin dito mawawala ang isang kamay na may kapit na supot–pasalubong na tinapay na pinapainit ng kamay niyang buong araw trumabaho. Ngunit maya-maya, may labing hahalik sa ibabaw ng daliri nito; may isa pang kamay—mas maliit, may konting mumo ng dala niyang tinapay—na siya namang hihilot.
At higit sa lahat, ang kamay na may kapit ng manubela. Gayong karamihan sa salaping dumadapo sa kanyang palad ay dumudulas diretso sa gasolinahan, mahalaga sa kanyang ligtas ang bawat “para”. Mahalagang maiabot ng bawat magulang sa loob ang mga supot ng pasalubong para sa kani-kanilang mga paslit sa tahanan.
PAG-IBIG NG PATAWAD
Sa palengke, halos kapwa maninipis lang din ang pitaka ng mga tindero at mamimili. Pero ang isang kilong isda ay kaya pa ring bayaran nang hindi purong presyo. May porsiyento iyan ng simpatya—ang pag-ibig sa transaksiyon ng tawad.
May iisang buhay na daloy sa pagitan ng mga taong parating ibinabahagi ang sarili sa iba. Kahit wala namang nagsasabi parati: “Uy, ito iyong sinasabing ‘kapwa’ ni Virgilio Enriquez,” naroon ang isang ideya na gumagalaw sa ilalim ng lahat.
Hindi idinikta sa dyip na mandatoryong mag-abutan ng pamasahe. Hindi ipinangangaral si Enriquez sa palengke bago mag-abutan ng bayad at sukli. Pero naroon—sa maliliit na aspekto ng buhay: sa rungis ng kalye, sa pasalubong, sa pag-aabutan ng pamasahe, sa tawad sa palengke—ang kamahal-mahal pa.
Marahil, ganito ang pag-ibig sa Pilipinas na kaya pang paghawakan.
Hinding-hindi dapat sikmurain ang pang-aabuso sa lupain ng mga Pilipino at mga palpak na proyekto. Kaya kung ang Pilipinas ay isang manliligaw—hindi siya madaling sagutin, pero hindi rin madaling itakwil.
Dahil hindi lamang ito usapin ng romansa—ng pagpili kung sino ang dapat mahalin at kung kailan dapat umatras. Ito ay pagsalba sa mga taong hindi pa rin kayang mag-isip ng sarili lamang.
Hindi sasagutin ng Pilipino ang buwayang nakabarong. Pero may taong busilak na magmahal kahit mantsado ang damit. At sa pagpapanatiling buhay ng ganitong klaseng puso—ganito—ganito magmahal ng isang Pilipinas.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…