Upang maibsan ang pasanin ng mga konsumer, target ng Energy Regulatory Commission (ERC) na tuluyang alisin ang 12% value-added tax (VAT) sa system loss charge ngayong Disyembre.
Ang hakbang na ito ay pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos ’Bongbong’ Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) na alisin ang mga sinisingil na mga serbisyong hindi naman direktang natatanggap ng mga konsumer.
Ayon kay ERC Chair Francis Saturnino Juan, aabot sa P50 bilyon ang kabuuang singil sa system loss na binayaran ng lahat ng konsumer noong nakaraang taon, kung saan nasa humigit-kumulang P6 bilyon ang kabuuang nakolektang VAT ng pamahalaan.
Ang system loss ay tumutukoy sa nasayang na kuryenteng binabayaran ng mga konsumer dahil nawala ito sa proseso ng transmisyon at distribusyon bago pa man ito makarating sa mga bahay.
Batay naman sa panukalang resolusyon ng ERC, plano nilang hindi na isama ang system loss charges sa buwis para sa gross receipts of generation companies at ng National Grid Corporation of the Philippines.
“Imposing VAT on top of a charge for electricity that was never delivered to consumers is fundamentally at odds with the nature of VAT as a tax on the value of goods and services actually rendered,” pahayag ni Juan.
“While awaiting the removal of SL (system loss), either through legislative or administrative fiat, we will continually be exposed to this VAT on SL. That is the objective, to completely remove VAT on SL. It is not to have any excuse for not completely removing SL from being charged to consumers,” dagdag pa niya.
Bagamat target na mailabas ang resolusyon matapos ang mga konsultasyon sa Setyembre, sinabi ng ahensya na maaaring abutin pa ng Disyembre ang buong implementasyon nito.
Kailangan anila ng sapat na panahon para baguhin ng Bureau of Internal Revenue ang mga patakaran at iakma ng mga utility company ang kanilang billing format.
Samantala, nagpahayag naman ng matinding pangamba ang National Electrification Administration (NEA) sa magiging epekto nito sa sektor.
"If they will be made to answer for technical systems losses, they will eventually not be able to pay their suppliers, the gencos and the WESM," ani NEA Administrator Antonio Mariano Almeda.
Nagbabala rin siya na humigit-kumulang 89 sa 121 electric cooperatives sa bansa ang maaaring malugi kung wala umano silang direktang subsidiya matatanggap mula sa pamahalaan.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…