Inaprubahan na ng Senado ang Senate Bill No. 1511 o ang “Strengthening the Protection of Patients Against Hospital Detention Act” noong ika-17 ng Agosto.
Labingwalong senador ang bumoto pabor at isa ang nag-abstain sa panukalang naglalayong pagtibayin ang Republic Act No. 9439 o Anti-Hospital Detention Law.
Sa ilalim ng panukala, hindi maaaring pigilan ng mga ospital ang paglabas ng pasyente dahil lamang sa kawalan nito ng kakayahang bayaran nang buo ang hospital bill.
“Hindi dapat kapalit ng kalayaan ng mga pasyente ang hindi nabayarang utang sa pagpapagamot,” ayon kay Sen. Risa Hontiveros, principal author ng panukala.
Dagdag pa niya, hindi dapat maging bilangguan ang ospital dahil lamang walang pambayad ang pasyente.
Gayunpaman, nilinaw niya na hindi tinatanggal ng panukala ang utang sa ospital, hindi ito awtomatikong sagot ng pamahalaan, at hindi rin binibigyan ang ospital ng bawas sa buwis.
Saad pa ni Hontiveros na ang mga pasyenteng walang kakayahang pinansyal ngunit handa nang umuwi ay maaaring pumirma sa promissory note, habang ang mga kwalipikadong indigent patients ay kinakailangan pa rin ng endorsement at guarantee letter mula sa Department of Health (DOH) o Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, binanggit ni Sen. Erwin Tulfo, co-author ng panukala, na may mga kasong hindi makaalis ng ospital ang ibang pasyente dahil sa hindi nabayarang bayarin, partikular na ang mga inang napilitang iwan ang kanilang mga bagong silang na sanggol.
Dahil dito, itinakda rin ng panukala ang pagtaas ng parusa laban sa mga empleyadong lalabag sa batas, mula P100,000 hanggang P300,000, o pagkakulong ng hanggang dalawang taon at apat na buwan.
Para naman sa mga direktor, maaaring patawan ng multa na nagkakahalaga ng P500,000 hanggang P1 milyon at pagkakulong ng apat hanggang anim na taon.
Binigyang-diin din ni Hontiveros na “[It] requires full transparency in healthcare costs and billing and expressly prohibits hidden or unauthorized charges.”
Sa huli, layunin ng panukala na matiyak na ang kakulangan sa kakayahang pinansyal ay hindi maging dahilan upang hadlangan ang pasyenteng pinayagan nang umuwi.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…