Dalawang oras na ’kong nakaupo,
Tulala sa ilalim ng papunding ilaw,
Nakikinig sa tikatik ng orasan
Na animo ako’y inuusig.
Ngunit hanggang ngayon—
Blangko pa rin ang papel sa mesa.
Tuyo ang dulo ng pluma,
Parang isip kong ilang buwan nang
Walang masipat na likhain,
Walang mapain na usapin,
Walang ganang magsulat.
“Kaya ko ’to,” sambit ko,
Habang marahang hinihimas ang papel,
Umaasang babalik ang ningas
Na dating nagpapaalab
Sa pagnanais kong magsulat.
Ngayo’y parang alamat na lamang
Kung tawaging “manunulat”—
May titulong hawak,
Ngunit hungkag ang pahina,
At laging blangko ang paglikha.
Kailan kaya muling babalik?
Kailan muling may maisusulat?
Narito pa ba ang dating ako,
O kathang-isip lang ba siya
Na minsang naniwalang kaya?
Blangko pa rin ang papel sa mesa.
Ang ilaw ay papundi na.
At hanggang ngayon,
Tulala sa harap ng salitang ayaw magpakita—
Dahil kay tagal ko ng ganito.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…