Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, mas ramdam ng maraming mamamayan ang bigat ng araw-araw na pamasahe at gastusin sa transportasyon. Dahil dito, hindi nakapagtataka ang pag-usbong ng mga alternatibong paraan ng paglalakbay tulad ng paglalakad at pagbibisikleta. Hindi na lamang ito itinuturing na “healthy choice,” kundi nagiging konkretong solusyon sa pang-araw-araw na suliranin sa gastos at mobilidad.
Kaugnay nito, isinusulong ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang “Walk to Work” at “Bike to Work Program”. Layunin nitong hikayatin ang mga empleyado na maglakad o mag bisikleta papasok sa trabaho bilang alternatibo sa paggamit ng mga sasakyan at motorisadong transportasyon.
Hindi ito dapat tingnan bilang isang maliit na programa lamang, kundi bilang isang mahalagang hakbang tungo sa pagbabago ng pananaw ng lipunan hinggil sa transportasyon. Mula sa pagiging dependent sa sasakyan, unti-unti nitong inililipat ang pokus sa mas simple, mas aktibo, at mas sustainable na paraan ng pagbiyahe.
Malaki ang maitutulong ng ganitong inisyatiba sa pagtugon sa suliranin ng mataas na gastos sa transportasyon at kalusugan ng mamamayan. Sa bawat hakbang o padyak, nababawasan ang araw-araw na gastusin habang sabay na mapapabuti ang pisikal na kalusugan. Hindi lahat may oras o pera para mag-gym o mag-exercise, kaya kung ang mismong biyahe papasok sa trabaho ang magiging ehersisyo, mas magiging realistic at accessible ang healthy lifestyle.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang regular na physical activity tulad ng paglalakad at pagbibisikleta ay nakatutulong sa pagpapatibay ng puso, pagpapabuti ng sirkulasyon ng dugo, at pagpapanatili ng tamang timbang. Higit pa rito, nakababawas ito sa panganib ng lifestyle diseases tulad ng hypertension at diabetes.
Hindi lamang pangkalusugan ang saklaw ng programang ito. Mayroon din itong mas malawak na implikasyon sa paghubog ng kamalayan ng tao. Sa pamamagitan ng paglalakad at pagbibisikleta, nagiging mas mulat ang mga tao sa kanilang katawan at sa kanilang kapaligiran.
Bukod dito, may positibong epekto rin ito sa kalikasan. Sa bawat sasakyang hindi ginagamit, nababawasan ang polusyon na inilalabas sa hangin. Mas kaunting usok ay nangangahulugan ng mas malinis na hangin, na nagreresulta sa mas mababang panganib ng mga sakit sa komunidad.
Ayon pa rin sa WHO, ang air pollution ay may kaugnayan sa mga respiratory diseases gaya ng asthma at iba pang sakit sa baga. Dahil dito, ang pagpili ng paglalakad at pagbibisikleta ay hindi lamang personal na desisyon para sa kalusugan, isa rin itong paraan ng pagprotekta sa ibang tao sa paligid, lalo na sa mga mas sensitibo sa maruming hangin tulad ng bata at matatanda.
Gayunpaman, hindi sapat na manatili lamang ito bilang isang magandang ideya. Kinakailangan ang masusing pagpaplano at konkretong suporta mula sa pamahalaan. Mahalaga ang pagkakaroon ng ligtas na kalsada, maayos na bike lanes, at pedestrian-friendly na imprastraktura upang tunay na mahikayat ang mga mamamayan na yakapin ang ganitong uri ng transportasyon.
May malaking potensyal ang programang ito na baguhin ang pang-araw-araw na gawi ng mga tao sa lungsod. Subalit ang tunay na sukatan ng tagumpay nito ay nakasalalay hindi lamang sa panghihikayat kundi sa epektibong implementasyon. Kapag naisakatuparan ng maayos, hindi lamang ito magiging isang transport program, kundi isang makabuluhang lifestyle shift na may positibong epekto sa kalusugan, ekonomiya, at kapaligiran ng buong komunidad.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…