Bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes sa mga pamilyang apektado ng pagbaha sa Bacolor, Pampanga, at pinangunahan ang pamamahagi ng ₱10,000 cash assistance habang libu-libong residente ang nananatiling nakalikas sa buong lalawigan.
Unang bumisita si Marcos sa Bacolor Integrated School Evacuation Center sa Barangay Cabambangan, kung saan 216 pamilya o 836 indibidwal ang nananatili sa loob ng 16 na magkakasunod na araw hanggang Agosto 23.
Nakipag-ugnayan siya sa mga evacuee at nasaksihan ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nagtungo rin ang Pangulo sa Bacolor Mini Convention Center, kung saan tumanggap ng parehong ₱10,000 ayuda ang 62 pamilya o 276 indibidwal na pansamantalang panunuluyan doon.
Bukod sa cash assistance, naghatid din ang DSWD ng family food packs at mainit na pagkain sa mga evacuee sa pamamagitan ng Mobile Kitchen.
Sa isang pahayag, sinabi ng Malacañang na magpapatuloy ang suporta ng pamahalaan hanggang sa ligtas na makabalik ang mga pamilya sa kanilang tahanan, kasabay ng mga pangmatagalang hakbang upang matugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa Pampanga.
Mayroon ngayon 11 aktibong evacuation centers sa Bacolor ng kumupkop sa 559 pamilya o 2,221 indibidwal, ayon sa mga awtoridad.
Sa buong Pampanga, 315,807 pamilya o humigit-kumulang 1.01 milyong indibidwal ang naapektuhan ng enhanced Southwest Monsoon o Habagat at mga bagyong Luis, Maymay, at Neneng. Sa bilang na ito, 3,118 pamilya o 11,308 indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center hanggang Agosto 23.
Idineklarang state of calamity ang Pampanga noong Agosto 12 dahil sa lawak ng pagbaha at epekto nito sa mga komunidad.
Naglaan na ang DSWD ng ₱243.37 milyon na ayuda para sa mga apektadong pamilya, habang may nakahandang ₱2.63 milyon na standby funds at 127,947 family food packs sa Regional Field Office III.






Comments
Be civil. Read the Comment Guidelines.
Loading comments…